KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino

Maghanáp ng salitâ

bi•bíg

Bahagi ng Pananalita
Pangngalan
Kahulugan

1. ANATOMIYA Bukás na bahagi sa ibabâ ng ulo na may labì, dinaraanan ng pagkain, at kinalalagyan ng mga ngipin at dila na mga organ sa pagsasalita.
BÓKA

2. Tawag din sa bukás na bahagi ng anuman.
BUNGANGÀ

3. Katumbas ng táong pinakakain.
Limang bibig ang umaasa kay Juan.

4. Kinatawang tagapagsalita.
Si Romulo ang bibíg ng Pilipinas sa Samahán ng mga Nagkakaisang Bansa.

Idyoma
  • bukámbibíg
    ➞ Bagay na madalas sabihin.
    Ang pagpunta sa Amerika ang bukámbibíg ni Alfonso.
  • inágaw ng bibíg
    ➞ Paggamit o pagkuha ng halagang para sa pagkain upang mapagtakpan ang ibang pangangailangan.
    Ang ibinili ko ng kaniyang sapatos ay inágaw ko lámang sa aming bibíg.
  • hindî magkakabibíg
    ➞ Hindi makasusumbat.
    Hindi silá magkakabibíg sa akin sapagkat ako ay nakatutulong sa kanila.
  • magalíng ang bibíg
    ➞ Mahusay magsalita o magtalumpatì.
    Sa isang kandidato ay mabuti na ang magalíng ang bibíg.
  • masamâ ang bibíg
    ➞ Táong mapagmurá.
    Maraming galít sa taong masamâ ang bibíg.
  • nahúli sa bibíg
    ➞ Nabisto dahil sa kadaldalan.
    Nahúli ko siya sa bibíg na nagsisinungaling.
  • nakatíkom ang bibíg
    ➞ Tumangging magsalita.
  • napasákan ang bibíg
    ➞ Nasuhulan kayâ tumahimik.
  • waláng bibíg
    ➞ Walang karapatang makialam.
    Waláng bibíg si Nora sa kaniyang mga kapatid sapagkat siya ang pinakabata.
  • waláng bukámbibíg
    ➞ Walang ibang sinasabi (kundi isang bagay).
    Wala siyang bukámbibíg kundi ang paglayas.
  • may lakás ang bibíg
    ➞ May katwirang magsalita.
    May lakás ako ng bibig sa kanila sapagkat ako ay nása katwiran.
  • hindî masarhán ang bibíg
    ➞ Hindi masaway sa pagmumurá o ayaw tumigil sa kasasalita.
  • dinaán sa bibíg
    ➞ Ginamitan ng magaling na pagpapaliwanag.
  • tahî ang bibíg
    ➞ Nauukol sa batang mahiyain at ayaw magsalita.
  • mabigát ang bibíg
    ➞ Hindi mahilig bumatì o magsalita.
    Mabigát ang bibíg ng táong iyon kayâ wala kahit isang kaibigan.
  • magaán ang bibíg
    ➞ Palabatì.
  • mabuká sa bibíg
    ➞ Hindi sinasadyang iyon ang nasabi.
  • nagbubusá ang bibíg
    ➞ Nagmumurá nang malakas.
  • nakúha sa bibíg
    ➞ Napaniwala sa mabuting pananalita.
  • hindî mabibíg
    ➞ Tahimik.
  • waláng bibíg
    ➞ Nauukol sa batang mahiyain at ayaw magsalita.
    Waláng bibíg ang batang iyan kahit sa silid-aralan.
  • magalíng ang bibíg
    ➞ Táong nakagagawa ng orasyon.
    Hanga silá kay Mang Andoy na magaling ang bibíg sapagkat binulungan lámang sa noo ang batang maysakít ay gumaling kaagad.

Tampók na Salitâ

Alám mo ba?

Maraming taál na hayop at halaman na sa Pilipinas lámang matatagpuan?