Endemiko ang tamaraw sa isla ng Mindoro. Kritikal na nanganganib ang sagisag kultura na ito.
Ang KWF Diksiyonáryo ng Wíkang Filipíno ay hango sa database ng Diksiyonaryo ng Wikang Filipíno na unang nalathala noong 1989. Ito ang kauna-unahang monolingguwal na diksiyonaryo ng wikang Filipino na binubuo ng 31,245 salitang pasok na inihanda ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (dating Surian ng Wikang Pambansa). Ang ikalawang edisyon na may 34,798 salitang pasok ay ang lathala sa ika-100 taon ng pagdiriwang ng kalayaan ng Pilipinas o Sentinyal na Edisyon, gaya ng popular na tawag dito. Noong 2011, inilathala ang ikatlong edisyon na may kabuoang 33,834 salita. Gayumpaman, upang maisapanahon at maisaalang-alang ang mga puna at mungkahi ng maraming nagmamalasakit sa wikang Filipíno, muli itong nirepaso, isinaayos, at pinalawak ang mga impormasyon tungkol sa mga salitang lahok, kabilang na ang anyo ng salita na umaayon sa mga tuntunin at pagbabago sa Ortograpiyang Pambansa, mga impormasyong panggramatika, varyant, pinagmulan ng salita, larang, kahulugan ng salita, at iba pa.
Ang Diksiyonaryo ng Wikang Filipíno ay patuloy pang pinalalawak sa pamamagitan ng pagdaragdag ng lahok mula sa iba't ibang wika ng Pilipinas batay sa mga katangiang tulad ng walang katumbas sa Tagalog, isang salitang maaaring itumbas sa tambalang salita sa Tagalog, at mga salitang ginagamit nang higit sa tatlong wika na iba sa Tagalog. Ipinapasok din sa database ang mga salitang dayuhan na naasimila na sa wikang Filipíno.
Sa huli, nananawagan ang Komisyón sa Wíkang Filipíno sa lahat na magpadala ng mga puna at mungkahi upang higit na matugunan ang pangangailangan at maging kapaki-pakinabang ang diksiyonaryong ito para iba't ibang larangan ng pamumuhay sa lipunang Pilipino, kasabay ng di mapipigilang pagsulong ng wikang Filipíno.
1. Mga Salitang Lahok
1.1. Nakasulat ang mga salitang lahok nang papantig gamit ang gituldok (big mid dot) o ang character na "•". Nilagyan din ito ng kaukulang tuldik bilang gabay sa tamang bigkas ng salita.
1.2. Pinaghiwalay ang lahat ng salitang lahok na bagaman magkatulad ng baybay at bigkas ay magkaiba ng kahulugan o walang kaugnayan sa isa’t isa ang kahulugan.
Halimbawa:
2. Bahagi ng Pananalita (Parts of Speech o POS)
2.1. Ang bahagi ng pananalita ay nasa ibaba ng salitang lahok.
Halimbawa:
2.2. Ang isang salitang lahok ay maaaring magkaroon ng higit sa isang bahagi ng pananalita. Inuuna ang salitang lahok na may bahagi ng pananalita na madalas gamitin, halimbawa bilang pangngalan, bibigyan ng kahulugan. Sa ibabang linya nito makikita ang katulad na salitang lahok na may iba pang bahagi ng panalita, halimbawa bilang pandiwa o pang-uri.
Halimbawa:
3. Pinagmulang Salita at Pinagmulang Wika/Etimolohiya
3.1 Tumutukoy sa orihinal na salita na pinagmulan ng salitang lahok.
3.2. Tumutukoy naman ang Pinagmulang Wika sa wikang katutubo o wikang banyaga na pinagmulan nito.
Halimbawa:
3.3. Tinutukoy din ng pinagmulang salita ang morphological etymology o pinagmulan ng salitang tambalan o hugnayang salita.
Halimbawa:
4. Salitang Ugat
Para sa mga salitang lahok na nilapian o may panlapi, tinutukoy dito ang salitang ugat.
Halimbawa:
5. Kahulugan, Halimbawang Pangungusap, at "Tingnan ang"
5.1 Ang kahulugan ay maaaring payak na paglalarawan sa salitang lahok o pagbanggit ng iba’t ibang kauri nito at ang katangiang taglay nito na naiiba sa nabanggit na mga kauri. Upang higit na maging malinaw ang pakahulugan sa salitang pasok, maaaring magkaroon ng iba pang dagdag na paliwanag na idinudugtong sa pamamagitan ng paglalagay ng tuldok-kuwit (;) pagkatapos ng unang paliwanag.
5.2. May mga salitang lahok na nagkakaroon ng higit sa isang kahulugan, ito ay pinaghihiwalay ng paglalagay ng bilang sa bawat kahulugan. Inuuna ang higit na gamitin o popular na kahulugan ng salitang lahok.
Halimbawa:
5.3. Sa higit na ikauunawa o ikaliliwanag ng isang salitang pasok o kahulugan nito na hindi gaanong gamitin o popular, naglagay ng mga halimbawang pangungusap sa ibaba ng kahulugan.
Halimbawa:
5.4. "Tingnan ang"
5.4.1 May mga pagkakataong ang ibang anyo ng ispeling ng isang salita ay ipinasok nang hiwalay. Ang gamiting anyo lamang ang binigyang-kahulugan at ang kahulugan ng ibang anyo ng ispeling nito ay tinutukoy ng salitang "Tingnan ang" para sa reperensiyang tanong.
Halimbawa:
5.4.2 May mga pagkakataon ding kailangang ituro o tukuyin ang ibang salitang lahok na hindi singkahulugan ngunit may kahulugang malapit o higit na magbibigay linaw sa salitang nais bigyang kahulugan. Ginamit din ang "Tingnan ang" upang tukuyin ang ganitong salita.
6. Singkahulugan
Pagkatapos ng bawat pagpapakahulugan at halimbawang pangungusap (kung mayroon) ay isinusunod ang mga singkahulugan nito na nakasulat sa malalaking titik at nakaitaliko.
Halimbawa:
7. Mga Deribatibo/Paglalapi, Idyoma, at Tambalan
7.1 Ang deribatibo o paglalapi ay mga nabuong salita kapag ang salitang lahok ay ginamitan ng iba’t ibang panlapi. Nakasaad din ang bahagi ng pananalita ng mga nabuong salita o deribatibo.
7.2. Idyoma. Idinagdag din ang mga idyoma na pinaggamitan ng mga salitang lahok at binigyan ng pagpapakahulugan.
Halimbawa:
7.3. Tambalan. Idinagdag din ang mga salitang tambalan na nabuo gamit ang salitang lahok; nakasaad ang bahagi ng pananalita at binigyan ng pagpapakahulugan.
Halimbawa:
1. Ang Alpabetong Filipino
2. Pagpapantig
Kapag may magkasunod na katinig sa loob ng isang salita, ang una ay isinasama sa sinundang patinig at ang ikalawa ay isinasama sa kasunod na pantig.
espesyal | es‧pes‧yal |
aklat | ak‧lat |
ospital | os‧pi‧tal |
pansit | pan‧sit |
Kataliwasan sa unang tuntunin:
Karaniwan, kung hiram mula sa Español ang mga digrapo gaya ng BR, TR, KR, etc. magkasama ito sa isang pantig at hindi pinaghihiwalay.
sobre | so‧bre |
litro | litro |
okra | o‧kra |
libro | li‧bro |
Kapag may tatlong magkakasunod na katinig sa loob ng isang salita, ang unang dalawa ay sumasama sa sinundang patinig at ang ikatlo ay napupunta sa kasunod na pantig.
eksperto | eks‧per‧to |
inspirasyon | ins‧pi‧ras‧yon |
Kapag ang una sa tatlong magkakasunod na katinig ay sinusundan ng alinman sa BL, BR, DR, PL, at TR, ang unang katinig ay isinasama sa unang patinig at ang sumunod na dalawang katinig ay napupunta sa kasunod na pantig.
timbre | tim‧bre |
templo | tem‧plo |
sentro | sen‧tro |
Kapag nagsisimula ang salita sa kambal-katinig o kumpol-katinig (consonant cluster), ang katinig at patinig lámang ang inuulit.
plano | mag‧pa‧plano |
trabaho | mag‧ta‧tra‧ba‧ho |
close | i‧pa‧ko‧close |
3. Gamit ng Walong Bagong Titik: C, F, J, Ñ, Q, V, X, Z
Napakaimportante ng walong bágong dagdag na titik sa Filipino upang maigalang ang mga kahawig na tunog sa mga katutubong wika.
Apat ay mula sa mga wika ng ibang bansa: C, Ñ, Q, X
Apat ay mula sa mga wika sa Filipinas: F, J, V, Z
Para sa mga kahawig na tunog sa pagsulat ng mga salita mula sa katutubong wika ng Filipinas
feyu (Kalinga) — pipa na yari sa bukawa o sa tambo
jambangan (Bahasa Sug) — halaman
zigattu (Ibanag) — silangan
falendag (Tëduray) — plawtang pambibig
vakúl (Ivatan) — pantakip sa ulo na yari sa damo na ginagamit bílang pananggalang sa ulan at init ng araw
kuvát (Ibaloy) — digma
vuyú (Ibanag) — bulalakaw
zinága (Ibanag) — dinuguan
zinanága (Ibanag) — pamana
majáw (Butwan) — maganda
Bágong Hiram na Salita
Para sa mga bágong hiram na salita na babaybayin sa Filipino:
selfi
selfon
projektor
futbol
Para sa mga bágong hiram na salita na hindi binabago ang baybay:
visa
zigzag
level
fern
jam
Para sa mga mahirap dagliang ireispel:
bouquet
jaywalking
quiz
pizza
Pagrereispel
Huwag magreispel kapag:
1. Kakatwa o kakatawa ang anyo
2. Higit na mahirap basahin kaysa orihinal
3. Nasisira ang kabuluhang kultural
4. Higit nang popular ang anyo sa orihinal
Halimbawa:
carbon dioxide vs karbon day-oksayd
baguette vs baget
feng shui vs fung soy
habeas corpus vs habyas korpus
bouquet vs bukey
pizza vs pitsa
wifi vs wayfay
4. Kaso ng Kambal-Patinig
Pangkalahatang Tuntunin
Sa pangkalahatan, nawawala ang unang patinig sa mga kambal-patinig na I+(A, E, O) at U+(A, E, I) kapag siningitan ng Y at W sa pagsulat.
acacia ==> akasya
indibidual ==> indibidwal
teniente ==> tenyente
aguador ==> agwador
Unang Kataliwasan
Huwag alisin ang unang patinig kapag ang kambal-patinig ay sumusunod sa katinig sa unang pantig ng salita.
tia ==> tiya
piano ==> piyano
pieza ==> piyesa
fuerza ==> puwersa
viuda ==> biyuda
cuento ==> kuwento
Ikalawang Kataliwasan
Huwag alisin ang unang patinig kapag ang kambal-patinig ay sumusunod sa dalawa o mahigit pang kumpol-katinig (consonant cluster) sa loob ng salita. Lumuluwag ang pagbigkas at dumadali ang pagpapantig.
ostiya (hostia)
impiyerno (infierno)
leksiyon (leccion)
eleksiyon (eleccion)
biskuwit (biscuit)
engkuwentro (encuentro)
Ikatlong Kataliwasan
Huwag alisin ang unang patinig kapag ang kambal-patinig ay sumusunod sa tunog na H.
mahiya (magia)
estratehiya (estrategia)
kolehiyo (colegio)
rehiyon (region)
Ikaapat na Kataliwasan
Kapag ang kambal-patinig ay nása dulo ng salita at may diin ang bigkas sa unang patinig ang orihinal.
economía (e-co-no-mi-a) ==> ekonomIYA
geografía (geo-gra-fi-a) ==> heograpIYA
filosofía (fi-lo-so-fi-a) ==> pilosopIYA
Malakas na Patinig
Hindi nagdudulot ng kalituhan ang mga kambal-patinig na may malakas na unang patinig (A, E, O).
idea hindi ideya
leon hindi leyon
teorya hindi teyorya
ideolohiya hindi ideyolohiya
5. Palitang E/I at O/U
Senyas sa Español o sa Ingles
Sa kaso ng E/I, magiging senyas ang E sa mga salitang Español na nagsisimula sa ES upang ibukod sa mga salitang Ingles na halos katunog ngunit nagsisimula sa S.
eskándaló (escandalo) vs iskándal (scandal)
estasyón (estacion) vs istéysiyón (station)
espesyál (especial) vs ispésyal (special)
eskuwéla (escuela) vs iskúl (school)
estandárte (estandarte) vs istándard (standard)
estílo (estilo) vs istáyl (style)
eskolár (escolar) vs iskólar (scholar)
Hindi kailangang baguhin ang E at O kapag sinundan ng pang-ugnay na (-ng).
“babáeng masipag” at hindi “babaing masipag”
“biròng masakit” at hindi “birung masakit”
Hindi kailangang baguhin ang E at O kapag inuulit ang salitang-ugat.
babáeng-babáe at hindi “babaing-babae”
birò-birò at hindi “biru-biro”
anó-anó at hindi “anu-ano”
alón-alón at hindi “alun-alon”
taón-taón at hindi “taun-taon”
píso-píso at hindi “pisu-piso”
pitó-pitó at hindi “pitu-pito”
pátong-pátong at hindi “patung-patong”
Kapag Nagbago ang Katinig
Nagpapalit ang N sa M kapag nag-uumpisa ang kasunod na pantig sa B/V at P/F.
kumperensiya (esp. conferencia)
kumbensiyon (convencion)
kumpisal (confesar)
kumbento (convento)
kumpiska (confisca)
Epekto ng Hulapi
balae - balaihin hindi balaehin
babae - kababaihan hindi kababaehan
abo - abuhin hindi abohin
takbo - takbuhan hindi takbohan
Kataliwasan: Mga salitang hiram mula sa Español na nagtatapos sa ‘e’
sine - sinehan hindi sinihan
onse - onsehan hindi onsihan
base - basehan hindi basihan
bote - botehan hindi botihan
Huwag baguhin ang dobleng “O”
nood panoorin
poot kapootan
doon paroonan
buo kabuoan
suot kasuotan
salimuot kasalimuotan
Kapag nagbago ang kahulugan
sálo-sálo — magkakasáma at magkakasabay na kumain
salusálo — isang piging o handaan para sa maraming tao
bató-bató — paglalarawan sa daan na maraming bato
batubató — ibon, isang uri ng ilahas na kalapati
halo-halo — pinagsama-sama
haluhalo — pagkaing may yelo at iba pang sangkap
6. Nang at Ng
Mga gamit ng “nang”
Bílang pangatnig: ginagamit ang “nang” na kasingkahulugan ng “noong.”
“Umaga nang barilin si Rizal.”
“Nang umagang iyon ay lumubha ang sakit ni Pedro.”
Bílang pangatnig: ginagamit ang “nang” na kasingkahulugan ng “upang” o “para.”
“Dinala si Pedro sa ospital nang magamot.”
“Matulog ka na nang maaga kang magising búkas.”
Ginagamit ang nang bílang pang-angkop ng inuulit na salita
“Barilin man nang barilin si Rizal ay hindi siyá mamamatay sa puso ng mga kababayan.”
“Siya ay umawit nang umawit.”
Bílang pang-abay: ginagamit ang nang para sa pagsasabi ng paraan
“Tumakbo siya nang mabilis.”
"Namuno siya nang magulo."
Mga gamit ng “ng”
Bílang pangatnig: pananda ng pangalawang tuwirang nilalayon ng pandiwang palipat
“Magpatuloy ng mananakop”
Titik na ipinapalit sa pangatnig na “na” at pahulaping iniaangkop sa unang salita ng dalawang pinagkakatnig.
“Talang maliwanag” sa halip na “Talâ na maliwanag.”
Bílang pang-ukol: pagpapahayag sa kaukulang paari.
“Dingding ng bahay.”
Bílang pang-ukol: pananda sa kaganapan ng layon ng pandiwa.
“Sumungkit ng mangga.”
Bílang pang-ukol: pananda ng tagaganap ng pandiwang palipat kung hindi ito pangalan ng tao.
“Inaawit ng aming kaibigan.”
7. Paggamit ng mga Bantas
Kuwít (,)
Ginagamit ang kuwit upang matukoy ang pinakamaikling pagputol ng idea o pinakamaliit na paghinto sa daloy ng pangungusap.
Bago ang lahat, naisip niya, nais niyang maging mabuting pinuno, hindi tumambay lang.
Ginagamit din ang kuwit sa serye ng tatlo o mahigit na mga idea sa isang pangungusap na pinagsasama ng isang pang-ugnay.
Tatlo sa paborito kong nobelistang kontemporaneo sina Tony Perez, Gina Apostol, at Allan Derain.
Ang Halaga ng Oxford Comma
Nagpalaki siya ng tatlong anak, dalawang aso at isang unggoy.
Kudlit (')
Ginagamit ang kudlit tuwing may tinatanggal na titik sa isang salita.
Binili ko ang libro bago ’ko umuwi.
Pangako sa ’Yo
Mayro’n akong k’wento.
’Tapon n’yo na nga ang basura.
Gitling (-)
Ginagamit ang gitling sa sumusunod: inuulit na salita, isahang pantig na tunog, paghihiwalay ng katinig at patinig, pinabigat na pantig, bagong tambalan, pasulat na oras, kasunod ng “de” o “di,” at sa apelyido.
iba-iba, ano-ano, pali-palito, suntok-suntukin
alaala, gamugamo, paruparo
haluhalo, halo-halo
tik-tak, ding-dong, ha-ha-ha
pag-asa, balikbayan, samot-sari
taga-Marikina, mag-makeup, magmeyk-ap
ika-8 ng umaga, ala-una ng hápon
de-lata, de-motor, di-magiba
Miriam Defensor-Santiago
Gatlang en (–)
Nagsasaad ng pansamantalang pagtigil sa pagbása o sa daloy ng idea, sa pagdidiin sa paliwanag, pagputol ng idea (lalo na sa mga diyalogo), at sa sanggunian (gatlang 3 em)
Hindi ko alam kung magagawa—ngunit ako’y umaasa—na mapagbigyan ang ating hiling.
Joey: Patawad sa aming inasal da—
Tuldok-kuwit (;)
Ginagamit din ang tuldok-kuwit sa mga paglilista na gumagamit ng kuwit ang nilalaman ng iniisa-isa.
Ilan sa mga paborito kong nobela ang Ang Sandali ng mga Mata ni Alvin Yapan; Confessions of a Volcano ni Eric Gamalinda; at Bata, Bata...Pa’no ka Ginawa? ni Lualhati Bautista.
Bumisita ako noong 2018 sa Lungsod Tabuk, Kalinga; Lungsod Malaybalay, Bukidnon; at Guiuan, Eastern Samar.
Tutuldok (:)
Ginagamit ang tutuldok bílang pagpapakilala sa isang listahan o ang pag-iisa-isa.
Ilan sa mga paborito kong nobela: Ang Sandali ng mga Mata ni Alvin Yapan; Confessions of a Volcano ni Eric Gamalinda; at Bata, Bata...Pa’no ka Ginawa? ni Lualhati Bautista.
Bakit mahalaga ang pagtutuldik?
Isang salita, iba’t iba ang kahulugan.
Halimbawa:
láya 1: [Bik, Hil, Seb, War] uri ng lambat na gamit sa pangingisda 2: [Twl, Isi, Gad] luya
layá [Ilk, Itw, Iba]: luya
layâ 1: [Tag] walang disiplina 2: [Bik] bunga ng niyog 3: [Kin,Seb, War] tuyông dahon o sanga 4: [Iba] inahing baboy
lâ-ya [Bik]: luya
layà [Tag]: libertad
Bigkas at Tuldik
Paraan ng Pagbikas sa Filipino | Tuldik na Dapat Gamitin |
---|---|
malúmay | pahilís ( ́ ) |
malumì | paiwà ( ̀ ) |
mabilís | pahilís ( ́ ) |
maragsâ | pakupyâ ( ̂ ) |
Malúmay na Bigkas
Ang diin ay nása ikalawang pantig mula sa dulo ng salita at walang impit.
Nagtatapos sa Patinig
dalága
babáe
saríli
táo
sampalatáya
Nagtatapos sa Katinig
nánay
silángan
kilábot
tahímik
kapisánan
Malumì na Bigkas
Binibigkas nang malumay, ang kaibahan nitó ay ang impit na tunog sa hulihán na sinisimbolo ng tuldik na paiwà.
batà (child)
talumpatì
dambuhalà
dalamhatì
kulasisì
labì
Mabilís na Bigkas
Binibigkas nang tuloy-tuloy na ang diin ay nasa hulíng pantig ngunit walang impit sa dulo, ginagamitan ng tuldik na pahilís.
Nagtatapos sa Patinig
takbó
isá
malakí
batubató
Nagtatapos sa Katinig
bulaklák
katawán
alagád
alitaptáp
Maragsâ na Bigkas
Bibibigkas nang tuloy-tuloy at nása dulo din ang diin ngunit may impit sa dulo, ginagamitan ng tuldik na pakupyâ.
aligagâ
tulâ
tugmâ
tuyô
Para sa mga tanong at ibang detalye hinggil sa KWF Diksiyonáryo ng Wíkang Filipíno, maaaring makipag-ugnay sa pamamagitan ng sumusunod:
Email: kwfdiksiyonaryo@gmail.com
Numero: (02) 899-606-70
Adres: 2/P Gusaling Watson, 1610 Kalye JP Laurel, San Miguel, 1005 Maynila